Wednesday, October 26, 2016

SYET, TRAFFIC.



Dear Boss,Please accept my sincere apology for being late this morning. I know how important the meeting was for the company and it was unprofessional of me but sir, traffic naman kasi talaga eh.

[4:45am, kakasakay ko pa lang ng bus]

Sabi nila, magpasalamat ka sa bawat umagang gigising ka dahil ito ay biyaya ng Diyos. Pero pusta ako, kung araw araw kang bumyahe papasok sa skwela o trabaho eh, sinusumpa mo ang bawat umaga. Syet, umaga nanaman.

Rush hour.

Nagmamadali ang oras. Sasakay ka ng bus ng madilim pa, di mo namamalayan tatlong oras ka na palang nagpapainit ng upuan. Kalaban mo pa ang malamig na buga ng aircon at ihing-ihi ka na, hindi ka pwedeng pumara dahil tiyak, pag bumaba ka eh, kinabukasan ka pa makakasakay ulit.

[Time check: 6:30 am, mahigit isang oras na ako dito sa Cubao, traffic. Anong dahilan? Hindi ko alam.]

Minsan ang traffic, parang pag-ibig. Walang dahilan, bigla mo na lang mararamdaman. Naiisip ko tuloy, parang nasasanay na rin ang tao sa araw araw na parusang sinasapit sa pag-byahe. Masyadong positibo ang mga Pilipino. Sobrang positibo na sa unang isangdaang araw ng bagong administrasyon ay naghahanap na agad ng malaking pagbabago.



The things that lasts, never happened overnight.

Isang malaking pagsubok ang pagresolba sa sakit ng EDSA, pero pansamantala, bakit kaya hindi nalang nila gawing big screen ang mga billboard sa EDSA? Ipalabas nila yung mga latest na palabas ngayon tapos dapat digital surround and audio. Maiinip ka pa ba kung ganun? 
“The biggest problem of the Philippines is the Filipino.” -Anonymous
Seryoso, kung ang mga tao ay magiging mas disiplinado lang sana, siguro hindi masyadong mahirap iresolba ang mga problema. Guilty ako dito kasi tumatawid ako sa Walang Tawiran Nakamamatay. Tamad kasi tayong maglakad. tamad tayong umakyat sa footbridge. Tamad bumaba sa tamang babaan, tamad tayong sumunod sa batas. Tama, tamad tayo.

Bakit sa tuwing may sakuna lalo na sa LRT o MRT eh, madali lang para sa atin na mag-video. Irerecord yung pangyayari, ipopost sa internet tapos magte-trending. Maraming magcocomment ng nararamdaman nila, at maraming magshe-share. Congratulations, sikat ka na! pero bago mo ginawa yun, nasubukan mo bang magreport sa pamunuan o sa kinauukulan? Siguro mas makakatulong tayo kung magiging mas responsible tayo sa mga ginagalawan natin dahil hindi natin alam, tayo pala mismo ang sumisira sa sarili natin. Tayo ang dahilan ng mga bagay na nirereklamo natin.


[7:20am, nasa office na at humihigop na ng kape]

Tandaan, ang lahat ng bagay ay may paraan. Hindi mo pwedeng gamiting excuse ang traffic kung bakit hindi mo nabasa itong post ko.

Monday, October 17, 2016

UMPISA



“The most important step of all is the first step. Start something” 
- Blake Mycoskie 

4.3 billion years ago, nagsimulang mabuo ang mundong ginagalawan natin. Paano? Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko lang, hindi ito basta basta sumulpot na lang. 

Walang forever. 

Lahat may katapusan, at bawat katapusan ay may kasunod ka bagong simula. Pagkatapos mong kumain, sisimulan ng katawan mong i-digest lahat ng kinain mo. Pagkatapos mo sa highschool, sisimulan mo ang college. Pagkatapos mong gawin ang lahat lahat, kulang pa rin. Pero pagkatapos mong basahin ito, sisimulan mo nang subaybayan ang blog na ito. Hehe. 

Umpisa. 

Walang nakakarating sa finish line na hindi dumadaan sa starting line. Lahat nagsisimula sa maliit. Kagaya ng blog na binabasa mo ngayon, ilang taon ko na rin naisip na gawin ito, pero ngayon ko lang nasimulan. Masyado kasi akong humanga sa mga ibang mahuhusay na manunulat dito sa larangan at iyun ang pumipigil sa akin para magsimula. 

Siguro kung ang lahat ng tao ay may lakas ng loob upang simulan ang mga bagay na matagal na dapat sinimulan eh, mas maunlad na tayo ngayon. Tulad ko, minsan mas pinipili ng isang tao na itago na lang yung tunay na nararamdaman nya. Sabi kasi nila, mas ok na manahimik na lang kaysa mapahiya. Maraming bagay ang nadiskubre sa isang aksidente, kagaya ng coca-cola. Malay mo isang araw, yung ideya mo naman ang ma-aksidente. [call 911 for immediate assistance] 

Balik tayo, ang blog na ito ay walang saysay para sa mga taong ang hilig lamang ay pumorma, uminom, at mang-ninja moves. Ang layunin ng page na ito ay makapaghatid ng impormasyon, kaalaman at kaganapan. Boring ito kung ang hanap mo ay kung paano maging cool pero cool ito kung ang hanap mo ay kung paano maging boring. 

Ayun, dito ko na tatapusin ang aking maigsing panimula. At kagaya ng sa paborito mong pelikula, sisimulan ko na ang susunod na episode. 

Salamat.

tapos na rin ang oras ko dito sa opisina, overtime na ako. Bukas ko na lang sisimulan ulit.